Raptors pinapak ang Lakers
George bumandera sa Clippers
LAKE BUENA VISTA, Florida — Humataw si point guard Kyle Lowry ng 33 points at 14 rebounds para banderahan ang defending NBA champion Toronto Raptors sa 107-92 paggiba sa Los Angeles Lakers sa NBA restart season kahapon dito.
Ito ang ika-11 sunod na panalo ng Raptors kontra sa Lakers sapul noong 2014-2015 season.
Nagdagdag si OG Anunoby ng 23 points para sa Toronto, inilista ang 97-86 abante sa Los Angeles sa huling 3:01 minuto ng fourth quarter.
Pinamunuan ni LeBron James ang Lakers sa kanyang 20 points at 10 rebounds habang may 14 markers si Anthony Davis matapos umiskor ng 34 points sa kanilang panalo laban sa Los Angeles Clippers noong Huwebes.
Kumamada naman si Paul George ng tatlong sunod na three-pointers sa pagsisimula ng laro para tumapos na may 28 points sa pag-akay sa Clippers sa 126-103 pagmasaker sa New Orleans Pelicans.
Winasak ng Clippers ang kanilang franchise record sa pagsasalpak ng 25 sa 47 triples tampok ang walo ni George.
Itinabla rin ng Clippers ang team record para sa 3-pointers sa isang yugto kung saan sila kumonekta ng 16-of-24 para ibaon ang Pelicans sa halftime, 77-45.
Nagdagdag si Kawhi Leonard ng 24 points para sa Clippers.
Tumipa naman si Shai Gilgeous-Alexander ng 19 points habang may 18 markers si Chris Paul para igiya ang Oklahoma City Thunder sa 110-94 pagdaig sa Utah Jazz.
Kumolekta si Steven Adams ng 16 points at 11 rebounds at may 15 markers si Danilo Gallinari para sa Thunder.
Umiskor sina Jimmy Butler at Bam Adebayo ng tig-22 points para tulungan ang Miami Heat sa 125-105 pagpapabagsak sa Denver Nuggets.
Nagpasabog naman si T.J. Warren ng career-high 53 points para pangunahan ang Indiana Pacers sa 127-121 pananaig sa Philadelphia 76ers.
- Latest