Rondina-Pons tutok sa beach volley
MANILA, Philippines — Mas nakasentro ang atensiyon nina Sisi Rondina at Bernadeth Pons sa beach volleyball sa ngayon kesa sa indoor volleyball.
Nakakuha ng malalim na inspirasyon sina Rondina at Pons nang makasikwat ang dalawa ng tansong medalya sa 2019 Southeast Asian Games na ginanap sa bansa noong Disyembre.
“Nung time na naka-medal kami sa SEA Games, doon ko naramdaman na mas gusto ko pang umangat talaga (sa beach volleyball),” kuwento ni Rondina na makailang ulit nang nag-MVP sa UAAP beach volleyball competitions.
Target nina Rondina at Pons na makalahok sa malalaking beach volleyball international competitions upang makalikom ng puntos na magpapa-angat sa kanilang puwesto sa world rankings.
Malaking tulong din ang pagsabak nito sa mga international events upang mas mapalalim ang kanilang karanasan.
“Kulang kami sa international exposure. Sa experience. ‘Yun talaga ang kailangan namin para makasabay kami,” ani Rondina.
Sinariwa ni Rondina ang mga nangyari sa SEA Games.
Hindi natatambakan sina Rondina at Pons ng mga mas beteranong karibal na naglalaro sa mga World Tour. Madalas ay dikit lang ang laban.
Ngunit madalas kinakapos sina Rondina at Pons sa huling bahagi ng laban dahil na rin sa kakulangan sa karanasan.
“Talo kami sa experience talaga. Dikit naman ang mga laban namin pero sa bandang huli dun talaga nakikita ’yung kawalan namin ng experience,” ani Rondina.
Hangad nina Rondina at Pons na makasabay sa mga world-class players.
Balang-araw, pangarap ni Rondina na mabigyan ng gintong medalya ang Pilipinas sa beach volleyball - anumang torneo ito.
Reyna sina Rondina at Pons ng Philippine Superliga Beach Volleyball Challenge matapos magkampeon noong 2017 at 2018 edisyon ng torneo.
- Latest