Perpetual Altas Spikers tangka ang ika-13 titulo
MANILA, Philippines — Malaki ang tiwala ni multi-titled coach Sinfronio “Sammy” Acaylar na magtagumpay ang University of Perpetual Help System Dalta Men’s Spikers sa pagsungkit sa kanilang ika-13th titulo sa pagpapatuloy ng Season 95 NCAA volleyball tournament sa Marso 16.
Sa ngayon, patuloy ang paghahanda ng nagdedepensang Altas matapos makuha ang automatic ticket sa best-of-three Finals matapos ang 9-game sweep sa elimination round. Naghihintay na lang ng makakalaban sa championship ang Perpetual Help men’s Spikers na manggagaling sa stepladder format.
Tatlong koponan sa pangunguna ng Arellano University, Emilio Aguinaldo College at College of St. Benilde ang maghaharap sa stepledder semis.
Matatandaang ipinagpaliban muna ang pagpapatuloy sa mga laro ng NCAA dahil sa Novel Coronavirus o Covid-19.
Ngunit, ipinahayag na ng management committee (MANCOM) sa pangunguna ni Peter Cayco ng host Arellano University na pinag-aaralan na ng Policy Board ang muling pagpapatuloy ng mga laro sa Marso 16.
“Maganda na magbabalik na uli ang games sa March 16, pero kami mag-aantay pa rin kasi may two playdates pa ang men’s team and then may stepladder pa,” pahayag ni Acaylar.
Kung magtatagumpay ang Altas, kasama na sila ng Letran sa may pinakamaraming korona sa kabuuang 13 titulo.
- Latest