SMB-Alab Pilipinas reresbak sa KL Dragons
MANILA, Philippines — Hangad ng San Miguel-Alab Pilipinas na bumawi kontra sa Kuala Lumpur Dragons sa kanilang muling paghaharap ngayon sa 10th Asean Basketball League elimination round sa MABA Stadium sa Kuala Lumpur, Malaysia.
Tangan ang 9-5 win-loss kartada haharapin ng Alab Pilipinas ang KL Dragons (7-7) sa alas-8 ng gabi kung saan inaasahan ang dagsa ng mga taga-subaybay ng Malaysian team.
Matatandaang nilampaso ng Dragons ang Alab Pilipinas sa una nilang engkuwentro, 91-63, noong Pebrero 4 sa teritoryo ng kalaban.
Hindi naka-porma ang tropa ni coach Jimmy Alapag at dalawang players lamang ang tumapos ng double-digits mula sa 13 puntos ni Nick King at 11 kay Prince Williams kaya mababa ang kanilang shooting percentage sa field goal.
Umani lamang ang Pinoy team ng 35 porsyento sa shooting sa 26-of-73 kumpara sa 49 porsyento ng Dragons sa kanilang 36-of-73.
Wala ring nagawa ang 7’5 Maltese import na si Sam Deguara dahil naungusan ang Pinoy squad, 41-43, sa rebound department. Kahit sa assists, nagtala ang Malaysian team ng kabuuang 20 habang 16 lamang sa Filipino team, anim nito mula kay Jason Brickman at lima kay Williams.
Halos sa lahat ng department kabilang na sa steals, nagtala ang Dragons ng siyam at lima lang sa Alab Pilipina pati na sa blocks nagposte ang Malaysian team ng pito at anim lamang mula sa koponan ni Alapag.
Sa kanilang pagbawi, sasandal si coach Alapag kina imports King, Williams at 7’5 Sam Deguara at mga locals na sina Brickman, Jeremiah Gray, Brandon Rosser, Lawrence Domingo, Louie Vigil, Aaron Aban at Andrei Caracut.
- Latest