Pinoy cue artists tutumbok sa DCC
MANILA, Philippines — Hahataw ang mga Pinoy billiards players sa 2020 Annual Derby City Classic na nakatakda mula Enero 24 hanggang Pebrero 1 sa Caesars Southern Indiana Casino and Hotel sa Elizabeth, Indiana.
Bumabandera si dating world champion Francisco “Django” Bustamante sa listahan ng Pinoy cue masters na masisilayan sa aksyon sa nine-day event.
Dedepensahan ni Bustamante ang kanyang korona sa One-Pocket event na dalawang taon na nitong hawak (2018 at 2019).
Target din ni Bustamante na muling mabawi ang All-Around championship crown na huli nitong nahawakan noong 2018 edisyon.
Makakasama ni Bustamante sa kampanya si 2018 All-Around at 9-Ball champion Dennis Orcollo na sariwa pa sa matamis na pagsungkit ng ginto sa men’s 10-ball pool singles sa 2019 Southeast Asian Games.
Masisilayan din sa aksiyon si dating world champion Carlo Biado na nakatakdang ibuhos ang lahat sa taong ito matapos mabigong maipagtanggol ang korona sa men’s 9-ball pool singles sa SEA Games at magtapos ng runner-up sa 2018 at 2019 edisyon ng World 9-Ball Championship.
- Latest























