Ravena may natutunan sa pagsibak sa kanila ng Bolts
MANILA, Philippines — Alam ni TNT Katropa head coach Bong Ravena na mas mahalaga ang pagkakaroon ng matibay na depensa kumpara sa malupit na opensa.
Ito ang natutuhan ni Ravena matapos masibak ang kanyang Tropang Texters ng Meralco Bolts, 3-2, sa kanilang best-of-five semifinals series sa 2019 PBA Governor’s Cup.
“At the end of the day, it’s all about defense. For us, we have to play defense, hindi lang puro opensa. We have to make stops, and then offense will just follow,” wika ni Ravena.
Sinibak ng Meralco ang TNT Katropa sa Game Five, 89-78, para angkinin ang ikalawang championship ticket at itakda ang kanilang ‘trilogy’ ng karibal na Barangay Ginebra.
Magsisimula ang kanilang best-of-seven championship showdown sa Enero 8 sa Smart Araneta Coliseum.
Ito ang kanilang ikatlong pagtutuos para sa korona ng season-ending conference matapos maghari ang Gin Kings laban sa Bolts noong 2016 at 2017 bago nasingitan ng Magnolia Hotshots noong nakaraang taon.
Umaasa naman si Ravena, katuwang si active consultant Mark Dickel sa bench, na muling makakapasok ang Tropang Texters sa PBA Finals matapos silang igiya ni import Terrence Jones sa nakaarang 2019 PBA.Commissioner’sCup kung saan sila tinalo ng San Miguel Beermen kasama si Chris McCullough.
- Latest