Nakalipad na ang Lady Eagles
MANILA, Philippines — Bumangon agad ang Ateneo Lady Eagles matapos pataubin ang University of Santo Tomas Tigresses, 25-21, 25-18, 16-25, 25-22 kahapon para pumasok sa win column sa pagpapatuloy ng UAAP Season 81 volleyball tournament sa FilOil Flying V Arena sa San Juan City.
Nagsanib puwersa sina Maddie Madayag at Kat Tolentino para bumawi sa kanilang talo sa three-peat champion at nagdedepensang De La Salle Lady Spikers, 14-25, 17-25, 25-16, 19-25 sa kanilang unang laro noong Linggo.
Nagpakawala si Madayag ng 15 puntos kabilang na ang siyam na atake at anim na blocks habang si Tolentino ay humataw ng 22 puntos, 16 nito sa atake, apat na blocks at dalawang aces para umakyat sa 1-1 win-loss kartada.
Dahil sa talo, bigong sundan ng Tigresses ang kanilang five-set panalo laban sa Adamson Lady Falcons, 25-21, 25-21, 24-26, 24-26, 15-6 noong Linggo rin kaya bumaba sila sa parehong 1-1 slate.
“Hopefully, this is a stepping stone for us for a bright future,” ani coach Oliver Almadro ng Ateneo.
Umiskor si Tolentino ng sunud-sunod na puntos upang makuha ng Lady Eagles ang unang set, 25-21 at lumamang ng mahigit limang puntos tungo sa pag-angkin sa ikalawang set, 25-18.
Pero, bumawi naman ang Tigresses sa pangunguna ni Sisi Rondina at lumamang ng sampung puntos, 16-6 upang dumikit ang laban sa two-set to one. Ngunit, muling bumalik ang rhythm ng tropa ni coach Almadro upang tapusin ang laro.
Sa men’s division, naka-eskapo ang Growling Tigers laban sa Blue Eagles, 25-18, 25-21, 22-25, 19-25, 15-12 upang angkinin ang unang panalo.
- Latest