Lady Altas vs Lady Chiefs sa ncaa crown ,rubber match!
MANILA, Philippines — Pag-aagawan ng University of Perpetual Help System Dalta at Arellano University ang kampeonato sa pagsambulat ng Game 3 ng NCAA Season 94 women’s volleyball tournament best-of-three championship series ngayong hapon sa The Arena sa San Juan City.
Muling magkukrus ang landas ng Lady Altas at Lady Chiefs sa alas-4 ng hapon.
Sa ikalawa at huling pagkakataon, susubukan ng Perpetual Help na makumpleto ang triple crown.
Naharang ang tangka ng Perpetual Help na mawalis ang lahat ng korona matapos kubrahin ng Arellano ang 23-25, 25-9, 25-18, 22-25, 15-12 pahirapang panalo sa Game 2 noong Biyernes.
Nauna nang nasungkit ng Perpetual Help ang korona sa men’s division at juniors class.
Kaya naman inaasahang ibubuhos na ng Lady Altas ang lahat upang mapasama ang kanilang paaralan sa kasaysayan ng liga bilang ikatlong nakagawa ng triple kill sa volleyball tournament.
“We’re looking at history unfolding and it’s really up to us to complete it,” ani Perpetual Help head coach Macky Cariño.
Nagawa na ito ng dating NCAA member Ateneo de Manila University noong 1984 at ng San Sebastian College-Recoletos noong 1984, 1993, 1994, 1995, 1996 at 2002. Nais din ng Lady Altas na tuldukan ang limang taong pagkauhaw nito sa titulo.
Subalit handa ang Lady Chiefs na gawin ang lahat upang muling pigilan ang tangka ng Lady Altas.
Bitbit din ng Arellano ang sariling misyon na makumpleto ang three-peat.
Kailangan ng Arellano na pigilan ang top scorer ng Perpetual Help na si Cindy Imbo--ang lider ng tinaguriang comeback queen.
Sa kabila ng matinding depensa sa kanya, nagawa pa rin ni Imbo na makalikom ng 18 markers subalit bigo itong makakuha ng solidong suporta mula sa iba pang miyembro ng tropa.
- Latest