Uytengsu tatanggap ng parangal sa PBAPC
MANILA, Philippines – Hindi mauuwi sa wala ang mahusay na pamamahala ni team owner Wilfred S. Uytengsu sa Alaska, nasa kanilang pang-33 taon sa PBA.
Sa pangangasiwa ni Uytengsu ay nagwagi ang Aces ng kabuuang 14 championships na tinampukan ng PBA Grand Slam noong 1996.
Sa pagdiriwang ng PBA Press Corps ng silver anniversary sa pamamagitan ng kanilang Awards Night ay pararangalan si Uytengsu hinggil sa kanyang nagawa para sa prangkisa.
Dating miyembro ng national swimming team at isang aktibong triathlete, tatanggapin ng Alaska Milk executive ang kauna-unahang Lifetime Achievement Award mula sa grupo ng mga reporters na nagkokober ng PBA beat.
Sa 25 taon sapul nang ilunsad ang PBAPC awards noong 1993, kumuha ang Aces ng 13 titulo sa ilalim ng pamamahala ni Uytengsu – kasama ng koponan sa debut season noong 1986.
Noong 1994 hanggang 1998 seasons ay nagkampeon ang Alaska sa walo sa kabuuang 16 komperensya kasama ang Grand Slam noong 1996 at nagtampok kina MVP Johnny Abarrientos (1996) at Kenneth Duremdes (1998).
Ang 12 sa 13 korona ng Aces ay nanggaling kay head coach Tim Cone.
Sa pag-alis ni Cone ay nagwagi ang Aces noong 2013 Commissioner’s Cup sa ilalim ni mentor Luigi Trillo at limang beses nakapasok sa PBA Finals sa huling 12 komperensya.
Ang Lifetime Achievement honor ay isa sa 12 awards na ibibigay ng PBAPC sa event na inihahandog ng Cignal TV.
- Latest