Altas hindi bibitawan ang pagkapit sa No. 4 seat
MANILA, Philippines — Ang manatili sa Top 4 ang hangad ng University of Perpetual Help System Dalta sa kanilang pagharap sa San Sebastian College-Recoletos ngayong hapon sa NCAA Season 94 men’s basketball tournament na gagawin sa UPHSD Gym sa Las Piñas.
Okupado ng Altas ang ikaapat na puwesto tangan ang 2-2 marka kabuntot sa No. 5 ang Stags (3-4).
Lumasap ang Altas ng 77-91 kabiguan sa mga kamay ng nangungunang Lyceum Pirates noong Biyernes, habang galing ang Stags sa matikas na 94-70 pananaig kontra sa Mapua Cardinals noong Martes.
Ang mananalo sa pagitan ng Altas at Stags sa alas-4 ng hapon ang sasalo sa Top 4 kasama ang Lyceum (7-0), reigning champion San Beda University (4-0) at Colegio de San Juan de Letran (4-1).
Nais ni Perpetual Help coach Frankie Lim na maitama ang mga pagkakamali ng kanyang tropa sa kanilang nakalipas na mga laban.
“We had mental lapses. We can’t play like that and expect to win,” wika ni Lim patungkol sa kanilang second quarter meltdown laban sa Pirates.
Malakas na puwersa ang inaasahang manggagaling kina Nigerian big man Prince Eze at Edgar Charcos para pamunuan ang opensa ng Altas.
Hawak ni Eze ang mga averages na 13.8 points, 16.5 rebounds at 5.3 blocks, samantalang nakapagtala si Charcos ng 19.8 points, 2.3 rebounds, 4.3 assists at 2.3 steals kada laro.
Umaasa naman si San Sebastian mentor Egay Macaraya na magpapatuloy ang magandang inilalaro ng kanyang tropa.
Samantala, nakaabang naman ang kampo ng San Sebastian kaugnay sa magiging desisyon ng NCAA Management Committee matapos matuklasan na naglaro si point guard RK Ilagan sa ligang labas na mahigpit na ipinagbabawal sa NCAA.
- Latest