Generika sinilat ang Petron
Laro Bukas(Muntinlupa Sports Center)
4 p.m. Cignal HD vs Cocolife
6 p.m. Petron vs F2
MANILA, Philippines — Nangailangan ng limang sets ang Generika-Ayala Lifesavers para padapain ang Petron Blaze Spikers, 25-23, 19-25, 25-22, 31-33, 15-11 at masungkit ang ikatlong panalo kahapon sa pagpapatuloy ng 2018 Philippine Superliga Invitational Conference sa FilOil Flying V Center sa San Juan City.
Sa 5-0 run nina Patty Orendain, Ross Hingpit at Angeli Araneta bahagyang nasorpresa ang paboritong 2018 Grand Prix champion Blaze Spikers para angkinin ang unang set sa loob ng 28 minuto.
Hindi napanatili ng Lifesavers ang momentum at nabigo sila sa ikalawang set ngunit bumawi naman sa third set bago natalo sa fourth set na humantong sa pagsalba ng anim na match points, 31-33 na umabot ng 37 minuto.
Sa muling arangkada nina Orendain, Hingpit at Araneta tuluyang inangkin ng Lifesavers ang laro matapos ang mahigit dalawang oras at 13 minuto.
Humataw din ang libero na si Kathleen Faith Arado ng 42 excellent digs at 23 puntos naman kay Orendain kabilang na ang 22 atake at isang ace.
Ang tanging talo pa lamang ng Lifesavers ay sa F2 Logistics, 20-25, 16-25, 20-25 noong Hulyo 5.
Dahil sa kabiguan, laglag ang Blaze Spikers nina Mika Reyes, Frances Molina, Rhea Dimaculangan, Bernadeth Pons at Aiza Maizo-Pontillas sa 2-1 win-loss kartada sa Pool A.
Sa iba pang laro, kahit walong players lamang sa 20-man national pool ang naglaro, naitakas pa rin nila ang 25-16, 25-17, 25-17 panalo laban sa Smart-Army Giga Hitters para makumpleto ang three-game sweep sa torneo.
Umiskor si Jaja Santiago ng 15 puntos kabilang na ang 12 atake at pitong excellent receptions para sa PH team.
- Latest