Fernandez wagi sa Korean boxer, pasok sa q’finals
MANILA, Philippines — Maganda ang simula ni Southeast Asian Games champion Mario Fernandez nang magtala ito ng unanimous decision win upang umusad sa quarterfinals ng 2018 Korotkov International Memorial Boxing Tournament na ginaganap sa Khabarovsk, Russia.
Nakuha ni Fernandez ang boto ng limang hurado para patalsikin sa kontensiyon si Cho Hyo Nam ng North Korea sa men’s bantamweight (56 kg.) division.
Pare-parehong may 30-27 desisyon sina Valdimir Kogan, Radnaev Bayarto at Yuriy Shalmov habang may magkatulad na 29-28 iskor sina Aleksandr Kashuba at Analoiy Semenov para kay Fernandez.
Mapapalaban ng husto si Fernandez sa quarterfinals dahil sasagupain nito si Ovik Oganinisyan ng Russia na nanalo kay Chona Nandor ng Hungary via 5-0 unanimous decision (30-27, 30-27, 30-27, 30-27, 29-28).
Hindi naman pinalad si Marvin Tabamo sa kanyang unang pagsalang nang lumasap ito ng dikit na 2-3 kabiguan sa kamay ni Artur Lozhinikov ng Russia sa men’s flyweight (52 kg.).
Nakuha ni Tabamo sina Il Nam ng Noth Korea (29-28) at Youn Seok Hun ng South Korea (29-28) ngunit ibinigay nina An Jong Woo ng South Korea (29-28), Erjan Batyrov ng Kazakhstan (29-28) at Elkhan Guliev ng Azerbaijan (29-28) ang kanilang boto sa Russian fighter.
Nakatakda namang labanan ni James Palicte si Roland Galos ng Hungary sa men’s lightweight (60 kg.) habang uumpisahan ni Aira Villegas ang kanyang kampanya laban kay Galina Chumgalakova ng Russia sa women’s flyweight (48-51 kg.).
- Latest