Pacquiao laglag sa No. 63 sa listahan ng Forbes
MANILA, Philippines - Lumagapak sa ika-63 puwesto si eight-division world boxing champion Manny Pacquiao sa Top 100 Highest Paid Athletes na inilabas ng Forbes.
Base sa kumputasyon ng Forbes, nakalikom si Pacquiao ng kabuuang $24 million mula sa $21.5 million sa salary/winnings at $2.5 million sa endorsements.
Malayo ito sa kanyang ikalawang puwesto noong nakaraang taon kung saan humakot ito ng tumataginting na $160 million.
“Pacquiao’s fight with Floyd Mayweather in May 2015 set every financial record in the history of boxing, including PPV buys (4.6 million), gate ($73 million) and total revenue ($600 million), and rewarded him with a $125 million payday,” ayon sa Forbes sa kanilang official website.
Sa taong ito, isang laban lamang ang nagawa ni Pacquiao kung saan nagtala ito ng unanimous decision win laban kay American Timothy Bradley noong Abril bago tuluyang ihayag ang kanyang pagreretiro sa boksing.
Malaking kawalan din ang paglisan ng Nike at iba pang kumpanyang ini-endorso ni Pacquiao matapos ang kanyang kontrobersiyal na pananaw sa same sex marriage na umani ng kaliwa’t kanang batikos mula sa iba’t ibang panig ng mundo.
Nanguna sa listahan si Cristiano Ronaldo ng football na may $88 million na kinita kasunod ang kapwa football star na si Lionel Messi na nagtala naman ng $81.4 million.
Ikatlo si NBA player LeBron James na may $77.2 million kasunod sina Roger Federer ng tennis ($67.8), Kevin Durant ng NBA ($56.2), Novak Djokovic ng tennis ($55.8), Cam Newton ng NFL ($53.1), Phil Mickelson ng golf ($52.9), Jordan Spieth ng golf ($52.8) at Kobe Bryant ng NBA ($50).
Nasa ika-16 puwesto si undefeated American boxer Floyd Mayweather Jr. na nakakuha ng $44 million habang sina tennis stars Serena Williams (No. 40) at Maria Sharapova (No. 88) lamang ang dalawang babaeng pumasok sa Top 100 ng Forbes tangan ang $28.9 million at $21.9 million, ayon sa pagkakasunod.
- Latest