IWF nilalakad na mapasama sa 2022 Winter Olympic Games ang wushu
MANILA, Philippines – Isinusulong ng International Wushu Federation (IWF) na mapasama ang wushu sa mga lalaruin sa 2022 Winter Olympic Games na gaganapin sa Beijing, China.
Ayon kay Wushu Federation of the Philippines president Julian Camacho, tiwala si IWF president Yu Zahi Qing na mapapasama ito sa mga opisyal na lalaruin sa Beijing Winter Games.
At kung matutuloy ito, isa ang Pilipinas sa mga makikinabang dahil tunay na malakas ang Pinoy fighters sa naturang sport.
Nauna nang itinulak ng IWF na mapabilang ang wushu sa 2016 Summer Olympic Games sa Rio de Janeiro, Brazil at 2020 Tokyo Olympics sa Japan subalit hindi ito nakakuha ng sapat na boto upang makalusot.
Karaniwan nang humahakot ng gintong medalya ang wushu sa mga international tournaments na sinasalihan nito.
Magugunitang noong 2005 Manila SEAG, ang wushu ang itinanghal na National Sports Association of the Year matapos pamunuan ang Pambansang koponan na makuha ang overall championship title.
Kumana ang Pilipinas ng kabuuang 112 gintong medalya kung saan 11 dito ay galing sa wushu.
Noong nakaraang taon, nagbulsa ang wushu team ng dalawang ginto sa prestihiyosong World Wushu Championships na ginanap sa Jakarta, Indonesia.
Nang laruin bilang exhibition sport ang wushu noong 2008 Olympic Games sa Beijing, China, naka- ginto si Wally Wang.
- Latest