Donaire-Juarez mag-uupakan na
MANILA, Philippines - Noong Oktubre ng nakaraang taon ay naisuko ni Nonito “The Filipino Flash” Donaire Jr. ang kanyang suot na World Boxing Association featherweight belt kay Jamaican Nicholas Walters via sixth-round knockout.
Marami ang nagsabing hindi na makakabalik ang 32-anyos sa kanyang dating estado bilang isang world boxing champion.
Matapos ang kabiguan kay Walters ay dalawang sunod na panalo ang inirehistro ng dating Filipino world four-division champion.
“I had to get back to where I was,” sabi ni Donaire sa panayam ng RingTV. “It made me realize I took things for granted. Mentally, I had to get back and be honest with myself that I’m not that big.
Muling nagbukas ang pagkakataon para sa tubong Talibon, Bohol na maging kampeon sa pagsagupa kay Mexican fighter Cesar Juarez para sa kanilang championship fight ngayon sa Coliseo Roberto Clemente sa San Juan, Puerto Rico.
Nakatakdang pag-agawan nina Donaire (35-3-0, 23 KO’s) at Juarez (17-3-0, 13 KOs) ang bakanteng World Boxing Organization super bantamweight crown na tinanggal kay two-time Olympic Games gold medalist Guillermo Rigondeuax (16-0-0, 10 KOs).
Si Donaire ay hinirang bilang 2012 Fighter of the Year matapos magkakasunod na talunin sina Wilfredo Vasquez Jr., Jeffrey Mathebula, Toshiaki Nishioka at Jorge Arce.
Dati niyang isinuot ang mga korona ng IBF/IBO flyweight, WBO/WBC bantamweight, WBO/IBF super bantamweight at WBA featherweight.
Ngunit hindi ito ipinagyayabang ni Donaire sa pagharap niya kay Suarez.
Mapapanood ang bakbakang Donaire-Juarez bukas simula sa alas-10 ng umaga sa ABS-CBN na may replay sa ABS-CBN Sports + Action ng alas-10 ng gabi. Sundan ang ABS-CBN Sports sa kanilang website, sports.abs-cbn.com, para sa karagdagang impormasyon. Panoorin ito ng live sa Skycable Pay Per View ngayong Sabado, December 12 , 10:30 AM.
- Latest