Petro Gazz iiwas sa komplikasyon

MANILA, Philippines — Para makaiwas sa anumang komplikasyon, kailangan lamang talunin ng Petro Gazz ang Akari papasok sa 2024-25 Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference Finals.
Lalabanan ng Gazz Angels ang Chargers ngayong alas-4 ng hapon kasunod ang salpukan ng mag-utol na nagdedepensang Creamline Cool Smashers at Choco Mucho Flying Titans sa alas-6:30 ng gabi sa Smart Araneta Coliseum.
Bitbit ng Petro Gazz ang 2-0 record sa single-round robin semis kasunod ang Creamline at Akari na may parehong 1-1 baraha at may 0-2 marka ang Choco Mucho.
Magkasunod na tinalo ng Gazz Angels ang Cool Smashers at Flying Titans at ang Chargers na lamang ang humaharang sa kanilang pagsampa sa ikaanim na finals stint target ang ikatlong titulo.
Nagkadena si Fil-Am Brooke Van Sickle ng triple-double na 17 points, 22 receptions at 12 digs sa 24-26, 25-18, 25-17, 27-25 pagtakas ng Petro Gazz sa Choco Mucho noong Martes.
“I always try my hardest to involve everyone, not to put too much pressure on the setters, and to create good scoring opportunities,” ani Van Sickle na muling makakatuwang sina Myla Pablo, Jonah Sabete, MJ Phillips at Chie Saet.
Sasandal ang Akari kina Ivy Lacsina, Eli Soyud, Faith Nisperos, Grethcel Soltones, Mich Cobb at Justine Jazareno.
Magsusukatan din ng galing sa bench sina Japanese coaches Koji Tsuzurabara ng Gazz Angels at Taka Minowa ng Chargers.
Samantala, ang pang-pitong sunod na finals appearance ang hangad ng Creamline sa pagsagupa sa Choco Mucho.
Bumangon ang Cool Smashers mula sa four-set loss sa Gazz Angels matapos walisin ang Chargers, 25-18, 25-19, 25-19, para buhayin ang pagpuntirya sa ‘five-peat’ at ika-11 korona sa kabuuan.
- Latest