Painters ipininta ang quarterfinals; B-Pier nagpalakas din ng tsansa
MANILA, Philippines – Sa likod ng kanilang ikatlong sunod na panalo ay ganap nang inangkin ng Rain or Shine ang pangatlong quarterfinals berth.
Humugot si Jeff Chan ng 14 sa kanyang 19 points sa fourth quarter kung saan nagposte ang Elasto Pain- ters ng isang 15-point lead para patumbahin ang Ginebra Gin Kings, 94-86, sa 2015 PBA Philippine Cup kagabi sa Smart Araneta Coliseum.
Sinaluhan ng Rain or Shine sa liderato ang nagdedepensang San Miguel at Alaska sa magkakatulad nilang 6-1 kartada, habang nagwakas naman ang three-game winning streak ng Ginebra na nagbaba sa kanila sa 4-4.
“We just played a little harder than usual because we know Ginebra is a tough team, especially with their winning streak,” sabi ni coach Yeng Guiao.
Nagdagdag si Jericho Cruz ng 16 points, habang may 13 si Fil-Nigerian rookie guard Maverick Ahanmisi para sa Elasto Painters, itinala ang 75-60 abante sa gitna ng fourth quarter matapos makatabla ang Gin Kings sa 46-46 sa kaagahan ng third period.
Umiskor si Japeth Aguilar ng 22 markers kasunod ang 19 ni Greg Slaughter at 11 ni Mark Caguioa sa panig ng Ginebra.
Sa unang laro, kumamada sina guards Terrence Romeo at Stanley Pringle ng 26 at 17 points, ayon sa pagkakasunod, para igiya ang Globalport sa 120-105 panalo laban sa Blackwater at pasiglahin ang kanilang pag-asa sa quarterfinals.
Winakasan ng Batang Pier ang kanilang two-game slump para kunin ang 4-3 kartada kasabay ng pagpapalasap sa Elite ng ikaanim nitong pagkatalo.
- Latest