Celtics tinambakan ang Thunder
OKLAHOMA CITY – Kumamada si Marcus Smart ng career-high 26 points para tulungan ang Boston Celtics sa 100-85 pagrapido sa Oklahoma City Thunder sa Chesapeake Energy Arena.
Tinanggap ang hamong tapatan si Russell Westbrook, tumipa si Smart ng 9-for-14 fieldgoal shooting at humakot ng 8 rebounds.
Nakatulong naman si Boston guard Avery Bradley mula sa bench para pasiklaban ang Oklahoma City sa fourth quarter kung saan nagtala ang Celtics (5-4) ng 11-point advantage para talunin ang Thunder.
Ibinalik ng Oklahoma City ang kanilang mga starters ngunit sinapawan ng mas matiyagang Boston squad.
Tinalo ng Celtics ang Thunder sa mga loose balls at rebounds sa kabuuan ng laro.
Tumapos si Westbrook na may game-high 27 points galing sa 5-of-20 shooting sa likod ng 2-for-10 clip sa three-point arc.
Si forward Serge Ibaka lang ang Thunder player na umiskor sa double figures sa kanyang 16 points at 10 rebounds, habang si Center Enes Kanter ay nalimitahan sa 8 points at 2 rebounds.
Naglaro ang Thunder na wala si injured forward Kevin Durant.
Sa iba pang resulta, tinalo ng New York Knicks ang New Orleans Pelicans, 95-87; pinatumba ng Memphis Grizzlies ang Minnesota Timberwolves, 114-106; dinaig ng Utah Jazz ang Atlanta, 97-96; pinabagsak ng Sacramento Kings ang Toronto, 107-101 at ginulat ng Los Angeles Lakers ang Detroit Pistons, 97-85.
- Latest