AAA Council Meeting tagumpay; Juico itinalagang Chairman ng School and Youth Commission
MANILA, Philippines – Naging matagumpay ang pagdaraos ng Pilipinas sa 83rd Asian Athletics Association (AAA) Council Meeting na dinaluhan ng 20 athletics head mula sa 20 bansa sa Solaire Resort and Casino.
Muling nalagay sa Asian athletics stage ang Pilipinas sapul nang pangunahan ni Governor Jose Sering ang pagbuo sa 4A’s noong 1973 at ang pagsasagawa ng unang Asian Athletics Championships sa Rodriguez Sports Center sa Marikina.
“All AAA officials in attendance led by president Dahlan Al-Hamad of Qatar has expressed admiration on how the meeting was organized. This is a huge honor for the country because once again the Philippines was given the distinction as a prime mover in athletics in Asia,” sabi ni (PATAFA) president Philip Ella Juico.
Ito ang ikaapat na pagkakataon na pinamahalaan ng bansa ang council meeting matapos noong 1993 at 2003 sa ilalim ni dating PATAFA chief Go Teng Kok.
Pormal na iniluklok ng AAA president si Juico bilang chairman ng School and Youth Commission at ang kumpirmasyon nito ng Executive Council.
Ang School and Youth Commission ang magbibigay sa AAA ng general advice kaugnay sa mga aspeto sa partisipasyon ng mga paaralan at kabataan sa athletics sa buong mundo.
Ang komisyon din ang magbabahagi ng up-to-date policies para sa mga athletics programs para sa school at youth athletes sa Asia.
Nakuha rin ni Juico ang basbas ng konseho para pamunuan ang working group na magrerebisa sa 2013-2017 Strategic Plan ng AAA. Ang pagkakaluklok sa bagong International Association of Athletics Federations (IAAF) president na si Sebastian Coe ang inaasahang magpapabago sa kasalukuyang plano ng grupo.
Si Karim Ibrahim ng Malaysia ang hinirang na Asian Area Representative sa IAAF Council.
Sa kanyang welcome address ay pinahalagahan ni Juico ang ginagawa ng Pilipinas para mapalakas ang athletics.
“With this hosting, hopefully highlight could be given to the Philippines’ proactive role in the development of Asian athletics especially among the youth as it strengthens its Street Athletics and Kids Athletics programs and its weekly relays which has definitely helped raise the standards of Philippine athletics,” sabi ni Juico.
Ang 84th Council Meeting ay gagawin sa Pebrero ng 2016 sa Doha, Qatar.
- Latest