34th PCA Open-Cebuana Lhuillier Wildcard Event Lim sinibak si Alcantara
MANILA, Philippines - Nakitaan ng matinding determinasyon ang pangunahing junior netter ng bansa na si Alberto Lim Jr. para mangibabaw kay Francis Casey Alcantara, 7-6 (5), 3-6, 6-3, sa quarterfinals ng 34th Philippine Columbian Association (PCA) Open Wildcard Tournament kahapon sa PCA clay court sa Paco, Manila.
Hindi natinag bagkus ay nagpursigi pa ang 16-anyos na si Lim nang lumamang si Alcantara, 2-1 sa third set para makumpleto ang dominasyon sa larong tumagal ng dalawang oras at 25 minuto.
“Kagabi pa lang po ay wala na akong inisip kundi ang laban namin ni kuya Niño. Nirerespeto ko siya at ginapang ko at hindi ako sumuko noong lumamang siya sa third set,” wika ng 16-anyos na si Lim.
Ang semifinals sa torneong suportado ng Cebuana Lhuillier, Puma, Dunlop, Head, Babolat, Compass/IMOSTI, Philippine Star at Sarangani Congressman Manny Pacquiao ay gagawin ngayong umaga at kalaban ni Lim ang 8-time champion na si Johnny Arcilla na kinalos si 8th seed Ronard Joven, 6-3, 6-2.
Kinailangan din ng top seed at nagdedepensang kampeon na si Patrick John Tierro ang tatlong set bago nadispatsa si sixth seed Marc Anthony Alcoseba, 6-4, 4-6, 6-0 at sunod niyang makakalaban ang third seed na si Elbert Anasta na pinagpahinga si fifth seed Rolando Ruel Jr., 7-5, 7-6 (5).
Samantala, umusad ang magkapatid na sina Clarice at Christine
Patrimonio sa women’s singles semifinals nang nanalo sila laban sa magkahiwalay na katunggali.
Pinagpahinga ng top seed na si Clarice si Rafaella Villanueva, 6-1, 6-3, habang nakita ang tibay ni Christine nang dinaig si se- cond seed Marinel Rudas, 4-6, 6-3, 6-4.
- Latest