Quigg naduwag kay Donaire, atras sa laban
MANILA, Philippines - Alam ng kampo ni WBA ‘regular’ super bantamweight titlist Scott Quigg na may pamatay na knockout power si Nonito ‘The Filipino Flash’ Donaire Jr.
Kaya naman tila nabahag ang buntot ni Quigg na idepensa ang kanyang korona laban sa dating world five-division champion na si Donaire at umatras sa nauna nilang negosasyon.
“It looks like there’s no fight. These guys, they say they want a big fight. Then it comes time to sign and they balk,” sabi ni Rachel Marcial, ang asawa ni Donaire, sa kampo ni Quigg, nasa 31-fight winnning streak.
Matapos ang inisyal na pag-uusap ay nagkasundo ang Top Rank Promotions ni Bob Arum at ang Matchroom Boxing Promotions ni Eddie Hearns na itakda ang Donaire-Quigg championship fight sa Nobyembre 21.
Handa rin si Donaire (35-3-0, 23 KOs) na labanan si Quigg (31-0-2, 23 KOs) sa mismong teritoryo nito sa Manchester, England.
Si Donaire ay ang dating kampeon sa IBF/IBO flyweight, WBA interim super flyweight, WBO/WBC bantamweight, WBO/IBF super bantamweight at WBA featherweight divisions.
Sa kanyang pinakahuling laban ay umiskor si Donaire ng isang second-round knockout victory kay Anthony Settoul ng France sa kanilang 10-round, non-title bout noong Hulyo sa Macau.
- Latest