East ‘di dapat magkumpiyansa: Laban sa West sa NCAA All-Star Game
MANILA, Philippines - Sa biglang tingin ay masasabing angat na angat ang East sa West sa gaganaping ikalawang NCAA All-Star Game sa Biyernes sa The Arena sa San Juan City.
Ang mga kamador na sina Arthur dela Cruz ng San Beda, Earl Scottie Thompson at Bright Akhuetie ng Perpetual Help, Jiovani Jalalon at Zach Nicholls ng Arellano, Bernabe Teodoro ng Jose Rizal U at Jamil Ortuoste ng San Sebastian ay magkakasama na gagabayan ni San Beda coach Jamike Jarin.
Pero hindi makakatiyak ang nasabing koponan dahil hindi malayong guluhin sila ng West na didiskartehan ni Letran coach Aldin Ayo.
Ang mga pambato ng Knights na sina Mark Cruz, Rey Nambatac at Kevin Racal ay sasamahan nina Jonathan Grey ng St. Benilde, Joseph Gabayni ng Lyceum, Allwell Oraeme ng Mapua at Sidney Onwubere na mga kilala sa galing sa pagdepensa na siyang numero unong gustong ipairal ni Ayo.
Ang East ang siyang nagdedepensang kampeon ng All-Star Game na magkakaroon din ng mga side events tulad ng 3-point shootout at slam dunk king.
Ang iba pang kasapi ng East ay sina Ryusei Koga at Michole Sorela ng San Beda, Kent Salado ng Arellano, Abdul Wahan at Jordan dela Paz ng Jose Rizal University, Gab Dagangon ng Perpetual at sina Michael Calisaan at Bradwyn Guinto ng San Sebastian.
Sasandalan pa ng West sina JR Ongteco at Fons Saavedra ng St. Benilde, Shaq Alanes, Wilson Baltazar ng Lyceum, Christ Mejos at Francis Munsayac ng EAC at JP Nieles at Justin Serrano ng host Mapua.
Sina Cruz at Travis Jonson ng St. Benilde ang mangunguna sa 3-point shootout na lalahukan din nina Wilson Baltazar ng Lyceum, Ryan Costelo ng San Sebastian, Gerald Dizon ng Perpetual, Jozhua General ng EAC, Paolo Pontejos ng Jose Rizal U, AC Soberano ng San Beda, Exi Biteng ng Mapua at Ken Zamora ng Arellano.
Ang mga dayuhang sina Oraeme, Prinze Eze ng Perpetual Help at Laminou Hamadou ng EAC ay sasamahan nina Kim Aurin ng JRU, Allen Bulanadi ng San Sebastian, Jebb Bulawan ng Lyceum, Mustapha Haruna ng St. Benilde, Dioncee Holts ng Arellano, Rey Publico ng Letran at Sorela ng San Beda sa slam dunk.
- Latest