Sa 2015 Singapore Invitational Swimming Championship 8 bagong records sinira ng PSL Tankers
MANILA, Philippines – Walong bagong records at 117 medalya ang inani ng delegasyong ipinadala ng Philippine Swimming League (PSL) sa idinaos na 2015 Singapore Invitational Swimming Championship na ginawa sa Singapore Island Country Club.
Sa bilang ng medalyang napanalunan ay 36 rito ay ginto para mahigitan din ang prediksyon na mag-uuwi ang mga manlalangoy ng hindi bababa sa 30 ginto.
Humakot din ng 50 pilak at 31 tansong medalya ang mga pambato ng PSL tungo sa pagpapalawig sa tatlong sunod na taon ang pagiging overall champion ng delegasyon.
“Ito ang unang pagkakataon na lahat ng swimmers na ipinadala namin ay nag-uwi ng medalya. Ito ay dahil determinado ang mga swimmers at ang mga coaches ay talagang sinuportahan sila sa magandang pagsasanay,” wika ni PSL president Susan Papa.
Nanguna sa mga manlalangoy ay sina Micaela Jasmine Mojdeh (girls’ 8-9), Kyla Soguilon (10-11), Gianna Millen Data (girls’ 16-17) at Charize Esmero (girls’ 12-13) na humakot ng tig-limang gintong medalya.
Nagposte rin ng bagong records sina Mojdeh at Soguilon at ang una ay lumunod ng marka sa 100m breaststroke (1:34:85) at 50m butterfly (36.42), habang ang huli ay umukit ng record sa 100m backstroke (1:16:78).
Ang lumaban sa boys 14-15 age group na si Sean Terence Zamora ang may pinakamaraming records sa bilang na lima na nakuha mula sa 100m butterfly (1:01:27), 100m backstroke (1:02:95), 200m IM (2:16:75), 50m backstroke (29.48) at 100m freestyle (55.78).
Si Joseph Schooling, isang multi-gold medalist sa Incheon Asian Games at Singapore SEA Games, ang dating record holder sa naunang apat na events, habang ang huli ay dating hawak ni Teo Zhen Ren ng China.
Ang kampanya ng delegasyon ay pinatingkad nina Mojdeh at Soguilon na kinilala bilang Most Outstanding Swimmers katulad nina Marc Bryan Dula at Lee Grant Cabral.
“It was really a great feeling that we have swimmers who won the MOS award considering that the field is tough with the participation of members of the Singapore national junior team. Kaya talagang masaya kaming lahat sa resulta sa kampanya natin,” dagdag ni Papa na pinasalamatan din ang suportang ipinakita ni dating Senadora Nikki Coseteng.
- Latest