Manila West idedepensa ang korona sa FIBA 3x3
MANILA, Philippines - Pupuntiryahin ng tatlong pambansang koponan ang makaalpas sa pool elimination sa pagsisimula ng FIBA3x3 World Tour Manila Masters ngayon sa Robinson’s Place Manila sa Ermita.
Mangunguna rito ang Manila West na siyang nagdedepensang leg champion at bubuuing muli nina Terrence Romeo, Niño ‘KG’ Canaleta, Rey Guevarra at Aldrech Ramos na nasa Pool D.
Unang laro ng No. 4 team ay ang Auckland New Zealand sa alas-3:20 ng hapon bago isunod ang Manila South sa huling laro sa alas-6:40 ng gabi.
Ang Manila South ay binubuo ng mga manlalarong nanalo sa SBP-Talk ‘N Text Tatluhan na sina Lucky Ecarma, Jair Igna, Carlo Ortega at Joshua Sinclair.
Sina Vic Manuel, Calvin Abueva, Karl Dehesa at Troy Rosario ang magkakasama sa Manila North na nasa Pool B at ang unang laro nila ay kontra sa seventh seed na Beirut Lebanon sa alas-4:10 ng hapon bago labanan ang second seed na Ljubljana ng Slovenia sa alas-5:40.
Ang 12 koponan, siyam rito ay mga dayuhan, ay hinati sa apat na grupo at ang Top Two ay aabante sa knockout round bukas.
Ang grupo ni Romeo ang siyang nagkampeon sa torneo noong nakaraang taon pero mapapalaban sila dahil sa pagsali ng mga bigating koponan sa pangunguna ng kasalukuyang World champion na NoviSad AlWahda ng United Arab Emirates na nasa Pool A kasama ang Medan Indonesia at Longshi China.
Ang 2014 runner-up sa leg na ito na Doha Qatar, kumuha ng dalawang US players na sina Sammy Monroe II at Dominic Davon James, ay nasa Pool C kasama ang Kobe Japan at Kaohsiung Taipei.
Ang mga koponan na aabante sa finals bukas ang papasok sa World Tour Finals sa Abu Dhabi sa Oktubre 15 at 16.
- Latest