Viloria pinabagsak agad si Soto
MANILA, Philippines - Tatlong beses na pinatumba ni Brian “Hawaiian Punch” Viloria si Omar Soto ng Mexico tungo sa magarang first round knockout panalo kahapon sa Florentine Gardens sa Hollywood, California.
Itinigil ni referee Zachary Young ang one-sided na labanan sa 2:02 ng unang round nang tumiklop sa ikatlong pagkakataon si Soto mula sa body at left hook sa ulo ni Viloria.
Ang dalawang naunang pagbulagta ng 35-anyos na Mexicano ay nangyari dahil sa mga kaliwa mula sa dating light flyweight at flyweight champion.
Ito ang unang laban ni Viloria sa taong 2015 at nailista niya ang ikaapat na sunod na panalo matapos mahubad sa kanya ang dating hawak na WBA/WBO flyweight title ni Juan Francisco Estrada noong Abril 6, 2013.
Aangat ang baraha ni Viloria sa 36 panalo sa 40 laban at may 22 KOs.
Ito rin ang kanyang ikalawang panalo kay Soto na tinalo niya sa mas dikitang split decision sa unang pagtutuos noong Hulyo 10, 2010 sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.
Bagamat impresibo ang panalo ay masasabing hindi nasukat ang tibay ni Viloria dahil ang kalaban ay wala sa kondisyon.
Isang taon na napahinga si Soto at bago ginawa ito ay lumasap siya ng tatlong sunod na talo, ang huling dalawa ay sa bisa ng TKO, noong 2013.
Ito na ang ika-12 pagkatalo ni Soto sa 37 laban.
- Latest