Cone bibigyan ng titulo ang Ginebra
MANILA, Philippines - Sa kanyang 26 taon sa Philippine Basketball Association ay hindi inisip ni two-time Grand Slam mentor Tim Cone na uupo siya sa bench ng Barangay Ginebra bilang head coach.
Kaya naman wala siyang ibang nasa isip kundi ang mabigyan kaagad ng PBA crown ang Gin Kings, huling nagkampeon noong 2008 Fiesta Cup sa ilalim ni bench tactician Jong Uichico.
Gusto man niya itong gawin ay aminado si Cone na hindi ito basta-basta mangyayari.
“It’s going to take a little bit of time. It always does. But we’ll try to be quick, but we won’t be in a hurry,” wika ng 57-anyos na si Cone kahapon sa opisyal na pagluluklok sa kanya bilang bagong coach ng Ginebra.
Si Cone ang may hawak ng pinakamaraming titulo sa hanay ng mga PBA coaches sa bilang na 18, at gusto niyang ang kanyang magiging ika-19 ay sa Gin Kings magmumula.
“You can never guarantee (title) but the challenge is there. We’re going to look at the lineup, cover our weaknesses and build on our strength,” sabi ni Cone.
Dahil sa paggamit niya ng bantog na ‘Triangle Offense’ ay nagbunga ito ng Grand Slam championship para sa Alaska noong 1996 at para sa San Mig Coffee noong 2013.
Ngunit sa kasalukuyang line-up ng Ginebra na pinangungunahan nina seven-foot center Greg Slaughter, 6’8 forward Japeth Aguilar, point guard LA Tenorio at nina one-time PBA Most Valuable Player Jayjay Helterbrand at Mark Caguiao, sinabi ni Cone na kailangan niya ng depensa sa koponan.
“If you get the guys to buy in defensively, then we’re going to do something good. It’s always a process to get that buy-in going with the players,” wika ni Cone, nagbigay ng 13 PBA titles sa Aces.
Posible ring kumuha ng mga defensive players si Cone sa pamamagitan ng trades.
“Maybe one or two conferences you have to figure out who you want in the team,” sabi ni Cone, iniwan ang coaching job ng Star Hotshots kay assistant Jason Webb.
- Latest