Mayweather mahihirapan at masasaktan ng husto kay Pacquiao —Tyson
MANILA, Philippines – Manalo man o matalo, tiyak na matitikman ni Floyd Mayweather Jr. ang pinakamatindi at pinakamahirap na laban sa kanyang boxing career sa pagharap kay Manny Pacquiao sa Mayo 2.
Ito ang sinabi ng dating heavyweight champion na si Mike Tyson na nakikita pang masasaktan sa laban si Mayweather dahil sa pagiging mabilis at agresibong istilo ni Pacquiao.
Hindi niya tinuran na mananalo ang Pambansang Kamao sa tagisang gagawin sa MGM Grand Arena sa Las Vegas pero ginagarantiyahan niya na mapupuno ng aksyon ang bawat round at masusukat kung gaano talaga kagaling ang kinikilalang pound-for-pound king.
“He has never really been tested. We’re going to see how tough he is,” wika ni Tyson sa Boxingscene.
May 47-0 baraha si Mayweather ngunit marami ang nagsasabi na ang ibang laban nito ay ipinilit lamang at tunay na liyamado ang American boxer sa laban para madagdagan ang kanyang pagpapanalo.
Ang mga may pangalang katunggali na tinalo ni Mayweather ay mga boksingerong hindi kasing-bilis kung bumitaw ng mga suntok tulad ni Pacman.
“Manny is going to feint Floyd out of position a lot and make him throw more punches that he used to, and that will open Floyd up,” dagdag nito.
“Whatever happens in this fight, I really think that Floyd is going to be hit and hurt more than he has ever been before,” paniniyak ni Tyson.
Mismong si Mayweather ay nakakaramdam na kakaiba si Pacquiao.
Habang sinasabi ni Mayweather na ordinaryong laban lamang ang tingin niya sa mega-fight na ito ay iba ang kanyang ikinikilos.
Isa na rito ay ang pagkuha ng 10 sparmates, kabilang si Zab Judah na kilalang may angking bilis sa pagsuntok.
“You best believe that I will be in top shape and be the best Floyd Mayweather I can possible be,” pahayag pa ng American boxer na patunay na sineseryoso niya ang preparasyon para kay Pacquiao.
- Latest