Hotshots tinuhog ng Painters sa Dipolog
MANILA, Philippines – Bumangon ang Elasto Painters mula sa 14-point deficit sa second period para ipalasap sa Hotshots ang kauna-unahan nitong kabiguan.
Umiskor si Paul Lee ng 18 points, habang nagdagdag sina import Rick Jackson at Jeff Chan ng tig-12 markers para igiya ang Rain or Shine sa 78-71 panalo laban sa nagdedepensang Purefoods sa 2015 PBA Commissioner’s Cup kagabi sa Dipolog Sports Center sa Dipolog City.
Nagdagdag si Beau Belga ng 10 points, tampok ang isang three-point shot sa huling dalawang minuto ng fourth quarter, para sa 3-2 record ng Elasto Painters sa ilalim ng Meralco Bolts (4-0), Hotshots (4-1), Barako Bull Energy (3-1) at Talk ‘N Text Tropang Texters (3-1).
Ipinoste ng Purefoods ang malaking 38-24 abante sa 3:58 minuto ng second period mula sa split ni Alex Mallari bago kumamada ng 22 points ang Rain or Shine sa third quarter para agawin ang 60-53 kalamangan.
Kinuha ng Elasto Painters ang 11-point advantage, 75-64, sa huling 3:28 minuto ng final canto buhat sa basket ni Jackson.
Pinangunahan ni import Daniel Orton ang Hotshots sa kanyang 23 points kasunod ang 11 ni Mark Barroca.
Samantala, tatargetin ng Meralco ang kanilang pang-limang sunod na panalo sa pakikipagtuos sa Globalport ngayong alas-3 ng hapon sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Magtatagpo naman ang Barangay Ginebra, nasa two-game winning run matapos ang 0-2 panimula, at ang Talk ‘N Text sa alas-5:15 ng hapon.
Matapos ang first game ay inaasahang pormal na ihahayag ni Chito Salud ang kanyang pagbibitiw bilang PBA Commissioner sa harap ng mga basketball fans.
Kabilang sa mga pangalan na maaaring pumalit kay Salud matapos ang 40th PBA season ay sina dating GMA 7 top official Bobby Barreiro, dating PBA player at UAAP Commissioner Chito Loyzaga, dating UAAP Commissioner Chito Narvasa at Ariel Magno, dating alternate governor sa PBA Board ng Sta. Lucia.
- Latest