TATAP may aasahan na gold sa SEA Games
MANILA, Philippines – Dalawang malalaking torneo sa table tennis ang mga gagamitin ng Table Tennis Association of the Philippines (TATAP) para mapaghandaan ang SEA Games sa Singapore.
Nais ng TATAP na masundan ang bronze medal na napanalunan ng bansa noong 2013 sa Myanmar SEA Games na naihatid ni Richard Gonzales.
Dalawang atleta lamang ang pinayagan sa TATAP para sa Myanmar Games at nakasama ni Gonzales si Ian Lariba.
“Dalawang atleta ang ipinadala namin sa 2013 pero nakaisang bronze medal kami. This time, we will be sending five male and five female athletes that will compete in seven events and hopefully we will finally win a gold medal,” wika ni TATAP president Ting Ledesma.
Para mapaghandaan ang SEAG, ipadadala ang mga manlalaro sa China para sa World Table Tennis Championships mula Abril 26 hanggang Mayo 3.
Sunod na torneo ay ang World Tour Philippine Open sa Subic Convention Center mula Mayo 27 hanggang 31.
Ito na ang pinal na preparasyon ng koponan dahil ang table tennis ay gagawin mula Hunyo 1 hanggang 7 na mas maaga sa aktuwal na laro mula Hunyo 5 hanggang 16.
Inagahan ang table tennis dahil malakas ang Singapore sa event at nais nilang magkaroon agad ng puhunan para sa paghahabol sa magandang pagtatapos sa kompetisyon.
Si Gonzales na tulad ni Lariba ay babalik sa koponan na kasalukuyang kumakampanya sa World Championship for Ping Pong sa Alexandra Palace sa London at balak higitan ang pagpasok sa semifinals noong nakaraang taon.
“There is pressure dahil kami ang magbubukas ng campaign ng Pilipinas. But I am convinced that the players are ready to face the challenge,” ani pa ni Ledesma.
Ang mga events na paglalabanan sa Singapore ay singles, doubles at team sa men’s at women’s bukod pa sa team event. (AT)
- Latest