Mayweather gustong lampasan ang record ni Rocky Marciano
MANILA, Philippines – Sa nakaraang dalawang laban ni Floyd Mayweather, Jr. ay lumalabas na ang kahinaan nito.
Para kina boxing trainer Freddie Roach at conditioning coach Justin Fortune, walang dudang tatalunin ni Manny Pacquiao si Mayweather kung ito ang nakaharap ng Filipino boxing superstar imbes na si Chris Algieri sa Macau, China noong Nobyembre.
Idinagdag pa ni Roach na maaaring napabagsak pa ni Pacquiao si Mayweather.
Ibinase ni Roach ang kanyang pahayag hindi lamang sa anim na beses na pagpapatumba ni Pacquiao kay Algieri para sa kanyang unanimous decision win kundi sa mahinang ipinakita ni Mayweather sa kanyang huling dalawang laban kontra kay Marcos Maidana.
Ayon kay Roach, hindi na si Mayweather, ipagdiriwang ang kanyang ika-38 kaarawan sa Pebrero, ang dating kinatatakutang boksingero.
Naipanalo ni Mayweather ang pito sa kanyang huling walong laban via decision maliban sa kanyang kontrobersyal na sucker-punch knockout kay Victor Ortiz noong 2011.
Hindi pa nakakapagtala si Mayweather ng isang legitimate stoppage sapul nang talunin si Ricky Hatton noong 2007.
Ang dalawa naman sa pitong distance victories ni Mayweather ay sa pamamagitan ng majority decision.
Matapos ang laban niya kay Hatton ay hindi na naging aktibo si Mayweather, naging pro boxer noong 1996.
Hindi siya nakita sa aksyon noong 2008 at tig-isang beses lamang lumaban noong 2009, 2010, 2011 at 2012.
Sinabi ni Roach na pinatatagal ni Mayweather ang kanyang career sa pamamagitan ng hindi pakikipagsabayan sa kanyang mga nakakalaban.
Mahigpit niyang pinipili ang gusto niyang kalabanin para palakasin ang kanyang tsansang malampasan ang malinis na 49-0 win-loss ring record ni boxing legend Rocky Marciano.
Kasalukuyang bitbit ni Mayweather, ang American world five-division titlist, ang kanyang 47-0, kasama rito ang 26 KOs.
May natitira pang dalawang laban si Mayweather sa kanyang $250 million Showtime deal.
Ang mga ito ay maaaring mangyari sa May at Setyembre ngayong taon.
- Latest