Laro’t Saya, Play N’Learn mas palalakihin pa sa 2015
MANILA, Philippines – Makulay na pagtatapos ang nangyari sa 2014 Laro’t Saya, Play N’Learn na proyekto ng Philippine Sports Commission (PSC) nang dinagsa ang isinagawang Zumba Marathon sa magkahiwalay na lugar nitong Sabado at Linggo.
Umabot sa 160 ang mga mananayaw na nakiisa sa kompetisyon na ginawa sa Aguinaldo Shrine noong Sabado ng gabi at ang mga kinilalang kampeon sa mga dibisyong pinaglabanan ay sina Jenielle Juanengo at Aisa Marie Salazar sa male at female 18-40, at sina Tonete Medina at Beth Esparagoza sa male at female 41-55 categories.
Ang apat ay tumanggap ng tig-P2,000.00 bilang premyo habang sina Salazar at Medina ay kinilala rin bilang Best in Costume at Wackiest Dancer para sa karagdagang P500.00 premyo.
Nakasama ng dalawa sina R-Jun Lucion at Rezi Kalugdan na nanalo rin sa Best in Costume at Wackiest Dancer sa kalalakihan at kababaihan ayon sa pagkakasunod.
Kahapon ay nagsagawa rin ng ganitong kompetisyon sa Burnham Park sa Luneta at umabot sa 200 ang lumahok para magpasiklaban sa pagsasayaw sa loob ng dalawang oras.
Hinirang na kampeon sa 18-40 age bracket sina Riomar Vicente at Rochelle Vergara habang ang kampeon sa 41-55 ay sina Jerry Ocampo at Elsie Tampos.
Sina Flordeliza Lorenzo at Emelito Dela Cruz ang Wackiest at sina Dennis Cariso at ang grupong Metro Aide ang Best in Costume.
Pinangungunahan ni PSC chairman Ricardo Garcia katuwang sina Atty. Guillermo Iroy bilang project director at Dr. Lauro Domingo Jr. bilang project manager ang Laro’t Saya mula sa dalawang lugar noong 2013 sa Luneta at Quezon City Memorial Circle ay umabot na ito ngayon sa 11 lugar na pinagdarausan ng programa na ang layunin ay himukin ang lahat ng Filipino na pumasok sa sports at mag-ehersisyo.
Inaasahang lalawig pa ang programa dahil may mga Local Government Units (LGUs) na nagpahayag ng interes na gawin ang proyekto sa bagong taon. (AT)
- Latest