Gilas veterans sinisipat ni Baldwin
MANILA, Philippines – Ang mga beterano ng Gilas Pilipinas na sina June Mar Fajardo at Jayson Castro bukod pa sa matangkad na si Greg Slaughter ang mga PBA players na maaaring kunin ni coach Tab Baldwin para sa bubuuing koponan na lalaro sa 2015 FIBA Asia Championship sa Wuhan, China.
Sa Enero lilipad patungong US si Baldwin para sa maigsing bakasyon at bago ito ay uupo siya kasama ng SBP nominating at selection committee para iporma ang plano ng Pambansang koponan.
“He’s flying home in January. It’s better if he can lay down something before he leaves,” wika ni PBA board chairman Patrick Gregorio na kabilang sa SBP special committee na pinamumunuan ni SBP vice chairman Ricky Vargas.
Mahalaga ang FIBA Asia dahil ang magkakampeon dito ang siyang kakatawan sa rehiyon para sa 2016 Rio de Janiero Olympics.
Para mapaghandaan ang nasabing kompetisyon, ang bubuuing koponan ay ilalaban muna sa kompetisyon sa labas ng bansa sa pangunguna ng Jones Cup sa Taipei.
Hindi naglaro ang Pilipinas sa Jones Cup sa huling dalawang taon nang nagkalamat ang pagtitinginan ng bansa at Taipei bunga ng pagkamatay ng isang Taiwanese fisherman sa Batanes noong 2012.
“Gilas Pilipinas is joining the Jones Cup this year upon the instruction of SBP president Manny V. Pangilinan. ED (executive director) Sonny Barrios has confirmed Gilas’ participation in the Jones Cup and the organizers have replied, expressing great joy,” dagdag ni Gregorio.
Ang Jones Cup ay gagawin mula Agosto 26 hanggang Setyembre 6 habang ang FIBA Asia Championship ay mula Setyembre 23 hanggang Oktubre 3.
Ang US mentor na si Baldwin na consultant din ng Talk ‘N Text sa PBA, ang pinili para maging kapalit ni dating national coach Chot Reyes na nagbitiw matapos ang ikapitong pagtatapos sa Asian Games sa Incheon, Korea.
- Latest