Hapee nagsolo sa unahan
MANILA, Philippines - Nilimitahan ng Hapee Fresh Fighters sa dalawang puntos ang Wangs Basketball sa ikalawang yugto tungo sa 65-43 panalo at hagipin ang ikaanim na sunod na panalo sa PBA D-League Aspirants’ Cup kahapon sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.
Angat lamang ng apat na puntos ang Fresh Fighters matapos ang unang yugto, 16-12, nang lapatan ng matinding depensa ang Couriers na nakasagot lang ng isa sa 18 attempts sa ikalawang canto para malasap ang kanilang ikaapat na kabiguan laban sa dalawang panalo.
Tumapos si Garvo Lanete ng 15 puntos habang naghatid sa 22 puntos sina Bobby Ray Parks Jr. at Earl Scottie Thompson upang masolo pansamantala ng koponang hawak ni coach Ronnie Magsanoc ang liderato sa 12 koponang liga.
“Sa ipinakita nilang effort ay talagang gusto nilang manalo,” wika ni coach Ronnie Magsanoc na ang kaliwang binti ay may brace matapos ma-injured sa laro ng Legends kamakailan.
Nilagok muna ng Tanduay Light Rhum Masters ang kanilang ikalawang sunod na panalo sa pamamagitan ng 69-58 panalo sa MP Hotel Warriors sa unang laro.
Naisantabi ng Rhum Masters ang 2-21 panimula nang gumana ang opensa sa ikalawang yugto para makadikit sa dalawa, 27-29.
May tres si Jul-Ashri Ignacio habang apat na puntos pa ang ginawa ni Aljon Mariano sa 9-0 bomba upang hawakan na ng bataan ni coach Lawrence Chongson ang 43-38 bentahe.
Mula rito ay hindi na nagpabaya pa ang Tanduay para saluhan ang AMA University Titans sa mahalagang ikaanim na puwesto sa 3-4 baraha.
Si Ignacio ay may 16 puntos, walo rito ay sa ikatlong yugto habang si Mariano ay may 12 puntos para sa nanalong koponan.
“Talent lang ang nagdala sa team. Maganda ang start nila pero nakuha ang momentum sa third period,” paliwanag ni Chongson.
Ito ang ikaanim na pagkatalo sa pitong laro ng Warriors para mamaalam na sa liga.
- Latest


















