Lady Stags ‘di maawat sa pananalasa
MANILA, Philippines - Umangat ang multi-titled San Sebastian Lady Stags sa kanilang ikalimang sunod na panalo nang pabagsakin ang Letran Lady Knights, 25-18, 25-21, 25-10 sa 90th NCAA women’s volleyball kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Si Gretchel Soltones ang muling namuno sa laban ng Lady Stags sa ibinigay na 16 puntos at 13 rito ay sa atake para kapusin lamang ng tatlo upang tapatan ang kabuuang attack points na nakuha ng Letran (16).
Tanging si Soltones, na may tatlong service aces pa, ang hindi inilabas ni coach Roger Gorayeb habang ang ibang manlalaro ay binigyan ng playing time para pakinangin ang pagsalo ng San Sebastian sa pahingang Arellano Lady Chiefs sa unang puwesto.
Naglista si Nikka Marielle Dalisay ng tatlong aces tungo sa walong puntos at sina Katherine Villegas, Nikka Arabe, Charmine Cruz at Jolina Labiano ay nagsanib sa 21 puntos.
Ito ang ikaanim na sunod na kabiguan ng Lady Knights na nagkaroon ng problema sa reception nang bigyan ang Lady Stags ng 11 aces.
Kinailangan naman ng Stags na bumangon mula sa pagkatalo sa unang dalawang sets para itakas ang 19-25, 21-25, 25-18, 28-26, 15-13 panalo sa Knights sa men’s division.
Ang Staglets ay nangailangan din ng limang sets para pabagsakin ang Squires, 25-16, 18-25, 21-25, 27-25, 20-18 at makumpleto ang produktibong paglalaro ng Baste.
Binalikat ni Richard Tolentino ang laban ng Stags sa kanyang 33 puntos, 32 sa kills, habang sina Jahir Ebrahim, Rollstone Abiad at Arvie Ongque ay may 13, 10 at 10 puntos para ibigay sa Stags ang 3-2 baraha.
Nasayang ang 20 kills, tatlong blocks at dalawang aces tungo sa 25 puntos ni Rudy Gatdula dahil hindi niya napigilan ang paglasap ng Knights ng kanilang ikaapat na kabiguan matapos ang anim na laro.
- Latest