Lady Eagles, Bulldogs maggigirian
Laro Ngayon
(Mall of Asia Arena, Pasay City)
8 a.m. NU vs AdU (M)
10 a.m. Ateneo
vs FEU (M)
1:45 p.m. Opening ceremonies
2 p.m. UST vs UE (W)
4 p.m. Ateneo
vs NU (W)
MANILA, Philippines - Bubuksan ngayon ng Ateneo Lady Eagles ang pagdedepensa sa titulo sa women’s volleyball sa pag-arangkada ng 77th UAAP volleyball sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Ikalawang laro sa women’s division ang tagisan sa hanay ng Lady Eagles at National University Lady Bulldogs sa pagkikita ng dalawang malalakas na paaralan sa sport na ito.
Matutunghayan ito matapos ang pagkikita ng UST Tigresses at host UE Lady Warriors sa ganap na alas-2 ng hapon.
Magsisimula ang aksyon sa alas--8 ng umaga sa pagkikita ng two-time men’s defending champion NU Bulldogs at Adamson Falcons bago palitan ng Ateneo Eagles at FEU Tams sa alas-10 ng umaga.
Ang opening ceremonies ay mangyayari sa ganap na ika-1:45 ng hapon.
Napapaboran ang Lady Eagles na makadalawa sa liga dahil nasa koponan pa rin ang mga nagdala ng laban nang bumangon mula sa thrice-to-beat advantage na hawak ng dating nagdedepensang kampeong La Salle Lady Archers matapos walisin ang double-round elimination.
Pangunahing puwersa ng Ateneo ay ang matikas na spiker at national pool member Alyssa Valdez bukod pa sa mga sophomores na ngayon na sina Michelle Morente at Julia Morado bukod sa mahusay na libero na si Denden Lazaro.
Wala na sa NU sina Dindin Santiago at Carmina Aganon pero hindi puwedeng biruin ang lakas ng koponan na iaasa ngayon sa 6’4 sophomore at national pool member na si Jaja Santiago.
Ang mga beterana ay sina Myla Pablo, Rizza Jane Mandapat, team captain Siemens Desiree Dadang at mahusay na setter na si Ivy Jisel Perez. (ATan)
- Latest