Sa Ju-Jitsu event sa Asian Beach Games: 2 gold sa Pinoy athletes
PHUKET, Thailand--Muling napatunayan na mahusay ang mga Filipino athletes sa mga bagong events nang kumuha ng dalawang ginto sina Maybelline Masuda at Annie Ramirez sa ju-jitsu noong Huwebes sa 4th Asian Beach Games dito.
Ang ju-jitsu ay isinama sa unang pagkakataon sa kompetisyon at pinalad ang Pilipinas na wakasan ang kawalan ng gintong medalya sa unang tatlong dibisyon nang manalo ang Fil-Japanese na si Masuda at Ramirez sa women’s -50kg. at 60kg. divisions.
Isang dating Brazilian ju-jitsu world champion, si Masuda ay nanalo kay Le Thu Trang ng Vietnam, 15-0, habang ang dating national judo player na si Ramirez ay gumamit ng cutting arm bar laban kay Thai bet Onanong Saengsirichok para manalo.
Ang maalamat sa judo na si John Baylon ay kumuha pa ng bronze medal sa men’s -80 kg. division.
Bago ang dalawang ginto na ito, ang Pilipinas ay may napanalunang apat na pilak at 10 bronze medals sa naunang tatlong edisyon.
Lutang ang husay ng mga Pinoy sa debut ng mga bagong events at nakita rin ito sa Olympics nang nanalo sina Arianne Cerdena at Willy Wang ng ginto nang gawing demonstration events ang bowling at wushu sa 1988 Seoul at 2008 Beijing Olympics.
- Latest