Lady Altas nagpakilala agad, Lady Bombers pinasabog
Laro Ngayon
(The Arena, San Juan)
9 a.m.-Perpetual Help
vs Jose Rizal (M)
Arellano vs Mapua (M)
St. Benilde vs Letran (M)
SSC vs Lyceum (M)
San Beda vs EAC (M)
MANILA, Philippines - Nagpakitang-gilas agad ang bagong hugot na sina 6’2 Ma. Lourdes Clemente at Cindy Imbo para tulungan ang three-time defending women’s champion Perpetual Help Lady Altas sa 22-25, 25-18, 25-20, 25-19, panalo laban sa Jose Rizal University Lady Bombers sa pagsisimula ng 90th NCAA women’s volleyball kahapon sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Si Clemente ay gumawa ng 16 kills at 4 blocks tungo sa 20 puntos habang si Imbo ay mayroon pang 10 attack points tungo sa 12 hits.
Nakatulong din ang 13 at 12 puntos galing kina Ana James Diocareza at Jamela Suyat at ang dalawang ito ay nagsanib sa limang aces.
Ang liberong si Vhima Condada ay may 23 digs at si Shyrra Cabriana ay may 62 excellent sets para makapagdomina ang Lady Altas sa huling tatlong sets.
Si Maria Shola Alvarez ang bumalikat sa laban ng JRU sa kanyang 13 hits.
Nagparamdam din ang Arellano nang tapatan ang 1-0 karta ng Perpetual sa pamamagitan ng 25-21, 25-20, 25-22, tagumpay sa Mapua.
Ang nakababatang kapatid ni Troy Rosario na si Cristine Joy Rosario ay may 19 hits, tampok ang 16 kills, at si Danna Henson ay bumanat ng 16 hits sa straight sets panalo sa larong tumagal lamang ng 65 segundo.
Wala rin naging problema ang St. Benilde Lady Blazers na idispatsa ang Letran Lady Knights, 25-9, 25-19, 25-13, sa ikatlong laro.
Ginamit ng Lady Blazers ang bangis sa pag-atake, 42-15, at serve, 13-1, para ipakita ang kahandaan na makigulo sa tagisan para sa kampeonato sa taong ito. (ATan)
- Latest