U-18 riders papadyak sa LBC Ronda Pilipinas
MANILA, Philippines – Pagtutuunan ng 2015 LBC Ronda Pilipinas ang pagtuklas ng mga bata pero mahuhusay na siklista na maaaring ipasok sa National team.
Ito ay matapos pahintulutan ang mga sasaling koponan na maglahok ng isang siklista na edad 17 o 18 anyos at dalawang siklista na U-23. Ang ibang riders na bubuo sa anim na siklista kada koponan ay mga 23-anyos pataas.
“This year, we’re requiring teams to recruit young riders because LBC and Ronda Pilipinas are one in helping the country’s grassroots development program,” wika ni project director Mou Chulani.
Suportado rin ng MVP Sports Foundation at may basbas ng PhilCycling sa pangunguna ng pangulo at Kongresistang si Abraham “Bambol” Tolentino, ang karera ay gagawin mula Pebrero 8 hanggang 27 at ito ay sisimulan sa Mindanao bago tumulak ng Visayas at magtatapos ang aksyon sa Luzon.
Ang mga local teams ang siyang maglalaban-laban sa Mindanao (Peb. 8-11) at Visayas (Peb. 15-18) at ang mangungunang mga koponan ay aabante sa Luzon na katatampukan ng anim na stages.
Mas titindi ang aksyon sa Luzon mula Peb. 22 hanggang 27 dahil sasali rito ang mga bigating dayuhang koponan.
Magsisimula ang Luzon race sa Lucena, Quezon at magtatapos sa Baguio City.
- Latest