5 ginto sa wushu sa 2015 SEAG
MANILA, Philippines - Limang gintong medalya ang ipinangako ng Wushu Federation Philippines (WFP) na kanilang magiging kontribusyon sa medalya ng bansa sa 2015 SEA Games sa Singapore.
Inihayag ang bagay na ito sa thanksgiving dinner na ginawa sa Century Hotel para sa tatlong wushu players na sina Daniel Parantac, Jean Claude Saclag at Francisco Solis na nakapag-uwi ng medalya sa Incheon Asian Games.
Si Parantac ay nanalo ng pilak sa taijijian/taijiquan, si Saclag ay nagwagi ng pilak sa 60-kg sanda habang bronze medal ang nasungkit ni Solis sa 56-kg.
“Hindi kami masaya dahil wala kaming nakuhang gold. Pero ibinigay talaga ng mga atleta ang best nila,” wika ni WFP secretary-general Julian Camacho na siya rin magiging Chief of Mission sa Pambansang delegasyon sa SEAG sa Hunyo.
Kaya naman magpupursigi ang asosasyon, na makabawi sa regional games sa pag-asinta ng limang ginto.
“Sinabi sa akin ng coach namin na si Samson Co na kaya apat hanggang limang gold medals. Mahaba pa naman ang panahon at paghahandaan namin ang SEA Games. Kung hindi namin makuha ang five gold medals ay hindi na kami uuwi,” may pabirong binigkas pa ni Camacho.
Ang tatlong medalists ng Asiad ang inaasahang mangunguna sa ipadadalang manlalaro ng wushu sa Singapore.
Dumalo rin sa seremonya si POC president Jose Cojuangco Jr. at PSC executive director Atty. Guillermo Iroy Jr. at sina Parantac, Saclag at Solis ay binigyan ng mga kagamitan na gawa ng No Fear. (AT)
- Latest