PLDT Home Telpad mainit ang simula FEU spikers sumalo sa No. 2
MANILA, Philippines - Sinaluhan ng FEU Tamaraws ang pahingang Systema Active Smashers sa ikalawang puwesto sa men’s division sa pagposte ng 17-25, 21-25, 25-23, 25-20, 16-14, panalo laban sa Rizal Technological University Blue Thunders sa Shakey’s V-League Season 11 Foreign Reinforced Conference kagabi sa The Arena sa San Juan City.
Naglista ng 14 kills at tatlong blocks tungo sa 18 puntos, si Joshua Barrica ay may 15 hits at 11 digs habang ang setter na si Manolo Refugia ay may 65 excellent sets para makabangon ang Tamaraws sa limang sets na pagkatalo sa Active Smashers sa huling laro.
Umabot ang tagisan sa ligang inorganisa ng Sports Vision katuwang ang Shakey’s sa dalawang oras at 15 minuto at nakita ang galing ng Tamaraws nang umahon pa sila sa 7-10 iskor sa ikalima at huling sets.
Nakuha pa ng FEU ang 14-13 iskor at kahit nakatabla pa ang Blue Thunder sa 14-all ay hindi na nila napigilan ang tagumpay ng katunggali nang naipanalo ang huling dalawang puntos na hatid nina Dolor at Barrica.
Bumaba ang collegiate team na RTU sa 0-1 karta at nasayang ang 16 kills at dalawang aces ni Sahud Masahod.
Samantala, maningning na binuksan ng PLDT Home Telpad ang kanilang kampanya sa women’s division nang kalusin ang Meralco, 25-18, 25-21, 25-19 sa ikalawang laro.
Ibinandera ng dating MVP na si Sue Roces katuwang ang ex-San Sebastian star na si Gretchel Soltones ang Turbo Boos-ters nang kumana ng tig-14 hits, kung saan umiskor ang huli ng tatlo mula sa limang puntos na nagsemento sa 73-minutong labanan.
Ang kabiguan ay nagbaon pa sa Power Spikers sa ilalim ng standings na pinamunuan ni Stephanie Mercado na gumawa ng siyam na hits.
Nagbigay si Maica Morada ng walong puntos habang tig-7 puntos naman sina Abby Maraño at Concon De Guzman para sa Meralco Power Spikers.
- Latest



















