Dating lumahok sa Miss USA pageant ipaparada ng Petron sa PSL Grand Prix
MANILA, Philippines - Isang dating sumali sa major beauty pageant ang magdaragdag ng kinang sa nalalapit na Philippine Superliga (PSL) Grand Prix.
Babanderahan ni Miss Oregon Alaina Bergsma ang 12 reinforcements na makikita sa aksyon sa premiere inter-club volleyball tournament na may basbas ng Philippine Volleyball Federation (PVF), Asian Volleyball Confederation (AVC) at ng International Volleyball Federation (FIVB) na hahataw sa Oktubre 18 sa Smart Araneta Coliseum.
Makakatuwang ng 6-foot-3 na si Bergsma, naging kandidata noong 2012 Miss USA pageant at dating miyembro ng USA women’s volleyball squad, si setter Erica Adachi ng Brazil para sa Petron na nabigong makapasok sa finals sa nakaraang komperensya sa kabila ng pagpaparada kay top rookie Dindin Santiago.
Mapapanood din sa torneo si Cincinnati hitter Bonita Wise na makikipagtulungan kay dating Kansas star Emily Brown para sa RC Cola.
Ang ama ni Wise ay ang dating PBA import na si Francois, habang ang kanyang nakababatang kapatid na si Eric ay kumampanya para sa Barako Bull sa 2013 PBA Governor’s Cup.
Magbabalik naman sa bansa si spiker Kaylee Manns para sa rookie team na Puregold.
Napanood ang 26-anyos na si Manns, may malawak na international volleyball experience, sa PSL noong nakaraang taon at at makakatulong si dating Florida star Kristy Jaeckel.
Ipaparada ng bagong koponan sina German sensations Lindsay Stalzer at Sarah Ammerman, samantalang hinugot ng Cignal sina Russians Elena Tarasova at Irina Tarasova.
Magpaparada rin ang Generika ng Russian reinforcement sa katauhan ni Natalia Korobkova na makakasama ni setter Miyuu Shinohara ng Japan na siyang pinakabatang import sa edad na 19-anyos.
“The Grand Prix is the other program of the PSL where foreign guest players are invited to join as reinforcement of the teams,” sabi ni Ramon Suzara, ang president at CEO ng nag-oorganisang Sports Core, sa naturang mga foreign players. “Not only it raises the level of competition, but it also gives local players a chance to learn from these foreign players who come from countries with good volleyball program like the United States, Brazil, Russia and Japan.”
- Latest