Garcia binalaan si Pacquiao
MANILA, Philippines - Dapat mag-ingat si Manny Pacquiao sa mga kahilingan nito.
Ito ang babala ni world light welterweight titlist Danny Garcia hinggil sa sinasabing pagpuntirya sa kanya ni Pacquiao sa susunod na taon.
Ilang beses nang nababanggit ang pangalan ni Garcia kaugnay sa mga posibleng lalabanan ni Pacquiao.
“I think that’s a great fight for me, Manny Pacquiao,” sabi ni Garcia sa panayam ng Boxingscene.com.
Gusto ni chief trainer Freddie Roach na sagupain ng 35-anyos na si Pacquiao ang 26-anyos na si Garcia sakaling talunin ni ‘Pacman’ si American challenger Chris Algeiri sa Nobyembre 22 sa The Venetian sa Macau, China.
Sinabi ni Garcia na mahihirapan sa kanya ang Filipino world eight-division champion.
“I’m bigger than him, I’m strong, I’m a good counter-puncher. I’m young, I’m in my prime,” sabi ni Garcia kay Pacquiao. “And I’ll say this, be careful what you wish for.”
Dala ni Garcia ang 29-0-0 win-loss-draw ring record kasama ang 17 knockouts at suot ang mga korona ng WBC, WBA at Ring Magazine sa light welterweight division.
Samantala, sa isang episode ng Showtime ‘All Access’ series ay nakita si Floyd Mayweather, Jr. na nakaupo sa isang sofa at napapaligiran ng ilang humihithit ng marijuana.
Sa pagkuwestiyon sa kanya ng Nevada State Athletic Commission ay inamin ni Mayweather na ang lahat ng napapanood sa ‘All Access’ series ay pawang scripted.
“It wasn’t real marijuana,” ani Mayweather. “It’s all about entertainment…. I don’t want to just sell a fight. I want to sell a lifestyle.”
Ang nasabing pagsisinungaling ni Mayweather ay ikinainis naman ni Pacquiao.
Naniniwala ang Sarangani Congressman na wala talagang plano si Mayweather na labanan siya dahil sa inaalagaan nitong malinis na ring record.
“@FloydMayweather’s testimony to the commission on All Access’ authenticity tells me everything I need to know about his desire to fight me,” wika ni Pacquiao sa kanyang official Twitter account na @Manny Pacquiao.
Ang nasabing pahayag ni Pacquiao (56-5-2, 38 KOs) ang inaasahang muling magiging dahilan ng tuluyang pagkakabasura ng kanilang inaabangang super fight ng 37-anyos na si Mayweather (47-0-0, 26 KOs) para sa susunod na taon.
Matapos muling payukurin si Marcos Maidana sa kanilang rematch kamakailan ay sinabi ni Mayweather na bukas ang kanyang opsyon para labanan si Pacquiao.
Nauna nang sinabi ni Bob Arum ng Top Rank Promotions na payag ang HBO at Showtime networks na resolbahan ang kanilang sigalot para maitakda ang banggaan nina Pacquiao at Mayweather sa 2015.
- Latest