Chery Tiggo todo-bigay para sa QF berth
MANILA, Philippines — Kailangan nang ibigay ng Chery Tiggo ang lahat para makapasok sa quarterfinals ng 2024-25 Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference.
Ito ang sinabi ni Ces Robles matapos pamunuan ang Crossovers sa 25-22, 26-24, 25-12 pagdaig sa Nxled Chameleons sa Pool B sa play-in tournament noong Huwebes.
“Sa akin dapat wala nang doubt. Kasi ito na ‘yun eh, ito na ‘yun. Kailangan lang naming gawin ‘yung trabaho namin para makuha namin ‘yung goal namin,” wika ng dating National University Lady Bulldogs standout
Sa pagwalis sa Nxled ay bumanat si Robles ng 15 points habang nagdagdag si Shaya Adorador ng 14 points at 11 excellent digs para sa kanilang depensa.
“Mindset namin talagang killer instinct pa rin na sana madala namin siya into Farm Fresh game. And ‘yung teamwork pa rin namin, makinig lang sa coaches and talagang kapag nauna na, kailangan pukpukan na kasi hindi na talaga biro yung games na ito. All-out na po,” ani Adorador.
Kailangan na lamang talunin ng Chery Tiggo ang Farm Fresh bukas para opisyal nang makuha ang tiket sa best-of-three quarterfinals series katapat ang nagdedepensang Creamline.
Nauna nang yumukod ang Crossovers sa Choco Mucho Flying Titans sa qualifying round kaya sila nahulog sa play-in tournament na magdedetermina sa dalawang papasok sa quarterfinals.
- Latest