UP nilapa ng NU

MANILA, Philippines — Patuloy ang pamamayagpag ng defending champion National University matapos lapain ang University of the Philippines, 25-13, 25-23, 25-22 sa UAAP Season 87 women’s volleyball tournament na ginanap sa SM Mall of Asia Arena sa Pasay City, kahapon.
Nagpakitang gilas si Mhicaela Belen matapos magtala ng 17 points lahat galing sa kills upang tulungan ang Lady Bulldogs na ilista ang malinis na limang panalo at manatiling nasa tuktok ng team standings.
Ipinaramdam agad ng Lady Bulldogs ang kanilang bangis ng sagpangin agad ang panalo sa sets 1 at 2 upang mamuro sa pagwalis sa Lady Maroons.
Bagama’t napahirapan sa second at third frames ay naisakatuparan pa rin ng NU ang inaasam ng straight set win nang makatuwang ni Belen si Alyssa Jae Solomon sa opensa.
Tumikada si Solomon ng 16 points mula sa 13 attacks at tatlong blocks habang bumakas si Evangeline Alinsug ng 11 points para sa NU.
Kumana si Kassandra Doering ng 11 puntos para sa Lady Maroons na nalasap ang pang-apat na talo sa anim na salang.
Samantala, hindi pinatagal ng University of Sto. Tomas ang laban matapos walisin ang Ateneo De Manila University, 25-20, 25-23, 25-21 sa ikalawng laro.
Dahil sa panalo ay tumibay ang kapit ng Golden Tigresses sa second spot ng team standings, may karta silang 5-1.
Kinapitan ng España-based squad si reigning Rookie of the Year Angeline “Angge” Poyos upang ikadena ang pang limang sunod na panalo at ipalasap sa Blue Eagles ang pang apat na talo sa limang laro.
- Latest