Philippine flag itataas sa seremonya sa Incheon
INCHEON, South Korea-- Isang maliit na koponang may malaking pag-asa ang nagladlad ng kanilang kulay dito sa Incheon Asian Games Athletes Village para sa kanilang opisyal na partisipasyon.
Inaasahan ni Chief of Mission Ricardo ‘Ritchie’ Garcia, ang chairman ng Philippine Sports Commission (PSC), na malalampasan ng delegasyon ang nakamit na 3 gold, 4 silver at 9 bronze medals na nakolekta ng bansa sa Asian Games noong 2010 sa Guangzhou, China.
Itataas ni Garcia ang Philippine flag sa ganap na alas-2 ng hapon (ala-1 ng hapon sa Manila) ng ilang opisyales at halos dalawang dosenang atleta na unang dumating dito.
Tanging ang mga atleta ng weightlifting, shooting, windsurfing, wushu, fencing at tennis ang unang dumating, habang inaasahan naman ang pagsunod ng mga atleta ng judo, gymnastics at swimming.
Nakatakdang dumating sa Sabado at Linggo ang mga atleta ng archery (7), bowling (12), basketball (12), boxing (8), sailing (2) at triathlon (5).
Ito ang isa sa pinakamaliit na delegasyon na ilalahok ng Pilipinas sa kasaysayan ng paglahok sa Asian Games.
- Latest