Pinoy boxers nagdomina sa mga Latinos sa Dubai
MANILA, Philippines - Walang naging problema ang mga Pinoy boxers na sina Genesis Servania, Arthur Villanueva at Rey Bautista kontra sa mga Latino fighters nang nagwagi ang mga ito sa Pinoy Pride XXVII sa Dubai World Trade Center noong Biyernes.
Sa ulat ng Philboxing, hindi kinaya ni Jose Cabrera ng Mexico ang matitinding suntok na pinakawalan ni Servania para umayaw ito sa pagsisimula ng 10th round tungo sa TKO panalo at mapanatiling suot ang WBO Intercontinental super bantamweight title.
Sa second round ay bumagsak si Cabrera at kahit sinikap pa nito na maagaw ang panalo ay naibalik ni Servania ang lakas sa 8th at 9th round para magdesis-yon ang corner ng Mexicano na ihinto na ang laban sa pagpasok ng 10th round.
Inangkin ni Villanueva ang IBF International Jr. Bantamweight title sa pamamagitan ng split decision kontra kay Henry Maldonado ng Nicaragua.
Dalawang hurado ang pumanig sa Filipino boxer, 117-110 at 116-113, para balewalain ang 114-113 panalo ni Maldonado sa isang hurado.
Nanalo si Villanueva kahit bumagsak siya sa second round sa counter attack ni Maldonado.
Pero ginamit ni Villanueva ang kanyang utak at umiskor sa mga jabs. Matapos ang laban, si Maldonado ay may mga sugat pa sa noo at kilay.
Ang dating world challenger na si Bautista ay umani naman ng majority decision panalo kay Juan Jose Martinez ng Mexico, 68-65, 67-65, 66-66.
- Latest