Turbo Boosters lumapit sa semis, Air spikers niyanig ang Lady troopers
MANILA, Philippines - Naiusad na ng PLDT Home Telpad Turbo Boosters ang isang paa patungo sa semifinals nang pabagsakin ang National University Lady Bulldogs, 25-13, 25-20, 25-19, sa Shakey’s V-League Season 11 Open Conference quarterfinals kagabi sa The Arena sa San Juan City.
Tumibay din ang kapit ng Air Force Air Spikers sa pangatlong puwesto matapos manaig sa Army Lady Troopers, 20-25, 25-19, 25-19, 25-22, sa ikalawang laro.
Sina Joy Cases, Judy Caballejo at Maika Ortiz ay tumapos taglay ang 20, 18 at 14 puntos habang si May Ann Pantino ay may 14 digs para sa Air Force na may dalawang sunod na panalo sa yugto tungo sa 6-3 karta sa ligang inorganisa ng Sports Vision at handog ng Shakey’s bukod sa ayuda ng Accel at Mikasa.
Kuminang din ang setter ng nanalong koponan na si Rhea Dimaculangan na may 55 excellent sets upang manaig kay Tina Salak na may 48 excellent sets.
Bumaba ang Lady Troopers sa 6-2 karta at nalagay sa pangatlong puwesto dahil hindi nila nakasama ang batikang spiker na si Rachel Ann Daquis bunga ng injury.
Sina Jovelyn Gonzaga, Salak, Joanne Bunag at Nerissa Bautista ay gumawa ng 14, 13, 12 at 10 puntos pero nagbigay pa ang Army ng 24 libreng puntos mula sa errors.
May 11 kills, apat na aces at dalawang blocks si Laurence Ann Latigay para tulungan ang Turbo Boosters na makabangon matapos matalo sa straight sets sa Ateneo Lady Eagles sa huling laro.
Ikapitong panalo sa siyam na laro ang kinubra ng PLDT para okupahan ang playoff para sa puwesto sa Final Four.
Si Suzanne Roces ay may 15 puntos, si Angela Benting ay may 10 puntos at si Lizlee Ann Pantone ay may 11 digs para sa nanalong koponan.
Tumabo ng 15 puntos si Jaja Santiago para sa Lady Bulldogs na natalo sa ikalawang sunod para sa 3-6 baraha.
Kailangan walisin ng NU ang nalalabing tatlong laro at umasa na hindi umalpas sa anim na panalo ang Army at Air Force para magkaroon ng playoff.
- Latest