Dapudong idedepensa ang IBO belt vs African boxer
MANILA, Philippines - Patutunayan ni Edrin Dapudong na kaya niya ang hamon ng mga South African boxers kahit ang laban ay gawin pa sa kanilang lugar sa pagharap kay Lwandile Stiyatha upang idepensa ang hawak na IBO World super flyweight title ngayon.
Sa East London Convention Center gagawin ang title fight at nais ng 27-anyos Filipino champion na maulit ang ginawa halos isang taon na ang nakalipas.
Noong Hunyo 15, 2013 ay nasa Emperors Place, Kempton Park, Gauteng, South Africa si Dapudong at naipakita niya ang angking bangis nang patulugin ang dating kampeon na si Gideon Buthelezi sa second round.
Ipinakita ng boksingerong tinaguriang “The Sting” dahil may kagat ang bawat suntok na pinakakawalan nito, na kondisyon siya sa title fight na ito matapos tumimbang sa 114.4 pounds sa weigh-in kahapon.
Ang weight limit ay 115 pounds at si Stiyatha ay pumasok sa mas magaan na 114.1 pounds.
Tulad ni Dapudong, determinado rin si Stiyatha na manalo para maipaghiganti kahit paano ang masakit na pagkatalo ng kababayan na si Buthelezi.
May 16 panalo sa 20 laban si Stiyatha ngunit mas malaki siya ng kaunti kay Dapudong at tiyak na sasandal sa suporta ng mga kababayan.
Bukod sa lakas ng magkabilang kamao, aasahan ni Dapudong ang kanyang karanasan sa ring na nakuha sa 34 laban at 29 rito ay kanyang naipanalo at 17 sa mga ito ay natapos ng maaga sa takdang laban. (ATan)
- Latest