Turbo boosters inagaw ang unahan
MANILA, Philippines - Ipinatikim ng PLDT Home Telpad Turbo Boosters ang unang pagkatalo ng Cagayan Valley Lady Rising Suns sa pamamagitan ng 25-23, 25-23,25-21 panalo sa Shakey’s V-League Season11 Open Conference kahapon sa The Arena sa San Juan City.
May 11 kills at 2 blocks tungo sa 14 puntos si Laurence Ann Latigay na sinuportahan din nina Gretchel Soltones, Suzanne Roces, Rubie de Leon at Lizlee Ann Pantone upang hawakan ng PLDT ang liderato sa ligang inorganisa ng Sports Vision at katuwang ng Shakey’s sa 3-0 karta.
May 13 hits si Soltones, si Roces ay may 9 puntos at anim na digs, si De Leon ay may 27 excellent sets habang ang liberong si Pantone ay may siyam na digs at 16 excellent receptions.
Sina Aiza Maizo at Angeli Tabaquero ay tumapos taglay ang 13 at 10 puntos para sa Rising Suns na bumigay sa huli sa bawat sets na pinaglabanan para lasapin ang unang pagkatalo matapos ang 17 sunod na panalo sa conference.
Hindi natalo ang koponan sa 16 na laro noong nakaraang taon at binuksan ang title defense sa PNP Lady Patrollers sa straight sets.
Bago ito ay bumangon agad ang Air Force Air Spikers mula sa pagkatalo sa huling laro sa 25-21,25-22, 25-18 tagumpay sa UP Lady Maroons.
Si Maika Ortiz lamang ang manlalaro ni coach Clarence Esteban na ibinabad sa kabuuan ng laro habang ang ibang players ay salitang pinaglaro para sa exposure.
May 10 puntos si Ortiz mula sa walong kills at dalawang blocks habang si May Ann Patino ay kumawala ng 10 atake para ibigay sa Air Force ang 53-33 bentahe sa attack department.
“Binigyan ko sila ng playing time bilang paghahanda rin sa mga susunod na laro namin,” pahayag ni Esteban na nasa ikatlong puwesto sa 2-1 karta.
Sina Nicole Anne Tiamzon, Katherine Bersola at Angeli Pauline Araneta ay nagsanib sa 32 puntos pero hindi pa rin sapat ito para pigilan ang ikaapat na sunod na pagkatalo. (ATAN)
- Latest