Team Kramer nagwagi sa 1st KFC Shootout
MANILA, Philippines - Nagposte ng dalawang panalo si PBA player Doug Kramer at ang kanyang Team KFC sa 1st KFC Fully Loaded Shootout sa KFC Mall of Asia sa Pasay City.
Tinalo ni Kramer ng San Miguel Beer si Toronto Raptors forward and National Basketball Association All-Star DeMar DeRozan, 23-21, sa isang 60-second shootout sa harap ng mga fans sa loob ng KFC restaurant.
Dinuplikahan naman ito ng Team Media, dala ang pangalan ng Team KFC, na binubuo nina Randy Caluag, Matt Ardina at Lito Oredo matapos manguna sa shootout sa event na bahagi ng NBA 3X, isang annual event ng NBA Philippines.
“Buti na lang nag-practice ako sa mall kahapon,” ani Kramer, sinuportahan ng kanyang tatlong anak at asawang si Cheska.
Binigo ng Team Media ang Team Funshots at ang Tropang Chillers sa Team KFC bracket bago inungusan ang Team NBA’s Walang Iwanan, kinabibilangan nina Mark Ryan Armada, Jek Magbuhos at Joric Rivera, sa 32-24 sa final shootout.
Naging bisita si DeRozan, ang NBA 2011 slam dunk champion na iginiya ang Toronto Raptors sa NBA playoffs sa unang pagkakataon matapos noong 2007-2008 season.
Matapos ang kompetisyon ay nakisalamuha sina Kramer at DeRozan sa mga fans.
Pumirma sila ng mga autographs, nagpaunlak ng mga selfies at sinagot ang mga katanungan ng media sa isang question and answer portion.
“We recognize the Filipinos’ passion for basketball and by having our country’s own basketball star Doug Kramer, represent Team KFC in the Fully Loaded Shootout, we’ll be showcasing the love that we have for this game,” pahayag ni KFC Philippines Marketing Director Errol Magdato.
- Latest




















